Ang Saligang Batas ng 1987

Sa pag-upo ni Corazon C. Aquino bilang pangulo ng bansa noong 1986, pinawalang-bisa niya ang Saligang Batas ng 1973. Pinalitan niya ito pansamantala ng isang ‘Freedom Constitution’. Layunin nitong mapanumbalik kaagad ang demokrasya sa bansa habang hindi pa naisusulat ang bagong saligang batas – ang Saligang Batas ng 1987.

Con-Com ng 1986. Noong Abril 23, 1986, ipinalabas ni Pangulong Aquino ang Proklamasyon blg. 9 na siyang lilikha sa isang komisyong konstitusyunal  (Constitutional Commission or Con-Com). Tungkulin ng komisyong ito ang pagbuo sa bagong saligang batas ng bansa. Nakasaad sa nasabing kautusan na hindi hihigit sa 50 komisyoner na magmumula sa iba’t ibang distrito at sektor ng lipunan ang bubuo sa Con-Com. Pipiliin ang mga kasapi nito batay sa mga sumusunod na kwalipikasyon:

  • Katutubong-inanak ng Pilipinas
  • Kilala sa pagiging matapat, makabayan, makabansa at may pagmamahal sa kalayaan

Binubuo ng 48 komisyoner ang Con-Com ng 1986. Ang mga ito ay pinili ng pangulo mula sa listahang iminungkahi ng taumbayan. Karamihan sa mga ito ay kalalakihan (42) at mga abugado. Apat sa mga ito ay taga-oposisyon. Si dating Punong Mahistrado Roberto Concepcion ang pinakamatandang kasapi (84) samantalang si Jose Luis Gascon, isang lider estudyante, ang pinakabata (22). Hindi naman tinanggap ng isang taga-oposisyon at ng Iglesia ni Kristo ang dalawang natirang puwesto.

Pormal na binuksan ng pangulo ang Con-Com noong Hunyo 2, 1986 sa gusali ng Batasang Pambansa sa Diliman, Lungsod Quezon. Nahalal ang sumusunod na mga opisyal ng komisyon:

  • Cecilia Munoz-Palma – Tagapangulo
  • Ambrosio Padilla – Pangalawang Tagapangulo
  • Flerida Ruth Romero – Kalihim-panlahat
  • Roberto San Andres – Punong Tagapamayapa

Pagsulat ng Saligang Batas. Ginawang batayan ng komisyon ang mga Saligang Batas ng 1896, 1935 at 1973 sa pagsulat ng bagong konstitusyon. Pagkatapos ng 133 araw ng mga debate, committee hearings at konsultasyon, natapos din ito ng komisyon noong Oktubre 12, 1986. Inaprubahan ito ng Con-Com sa botong 45 – 2. Si Decoroso R. Rosales, na nasa ospital noon, ang huling lumagda samantalang si Lino O. Brocka naman ay nauna nang nagbitiw sa kanyang puwesto. Sina Jaime E. Suarez at Jaime S.L. Tadeo ang bukod-tanging tumutol sa nasabing draft.

Pormal na tinapos ng Con-Com ang kanilang sesyon noong Oktubre 15, 1986. Ang nasabing saligang batas ay binubuo ng 109 pahina na may panimula, 18 artikulo, 321 seksyon, ordinansa at mahigit sa 20,000 salita. Inihain ito at nilagdaan ng pangulo sa araw ding iyon.

Pagpapatibay ng Saligang Batas. Isang plebisito ang ginanap noong Pebrero 2, 1987 upang pagtibayin ang nasabing saligang batas. Mula sa 25 milyong rehistradong botante, 87% nito ang bumoto. Nanalo ang botong ‘oo’ ng 76.37% (17,059,495) kumpara sa ‘hindi’ na 22.65% (5,058,714) at 202,630 na abstentions.

Noong Pebrero 11, 1987 pormal na idineklara ni Pang. Aquino ang pagpapatibay sa Saligang Batas ng 1987. Ito ang naging hudyat ng pagtatapos ng pamahalaang rebolusyonaryo at ang panunumbalik ng demokrasya sa bansa.

Mga Natatanging Probisyon. Pinakamahaba ang Saligang Batas ng 1987 sa lahat ng naging konstitusyon ng Pilipinas. Ang dahilan nito ay ang pagsama ng mga probisyong tulad ng impeachment at presidential succession, pagkakaroon ng party-list representatives, pagbabawal sa di-makataong pagparusa sa mga bilanggo, tungkol sa pagdedeklara ng batas militar, pagsususpinde ng karapatang habeas corpus, at ang pagtatatag ng Komisyong Pantao at ARMM.

Sa kasalukuyan, ilang administrasyon na ang sumubok na baguhin ang saligang batas. Kilala ito sa tawag na Charter Change (Cha-cha) sa panahon ni Ramos; CONCORD sa panahon ni Estrada at Cha-cha sa pamamagitan ng Con-Ass (Constitutional Assembly) sa panahon ni Arroyo. Pangunahing layunin nitong baguhin ang pamahalaan ng Pilipinas mula sa isang unitaryo-presidensyal tungo sa isang pederal-parlamentaryo.

*Maaring makita ang buong teksto ng Saligang Batas 1987 sa http://www.filipiniana.net/publication/the-constitution-of-the-republic-of-the-philippines-1987/12791881598556

*Inilathala sa Student’s Digest Gr.5, Tomo 26, Blg. 8, SY 2005-2006                      ni Azur M. Peraz

Sanggunian: Saligang Batas ng 1987; Abeleda, Alberto S. Jr. Philippine History and Government. Manila: Saint Bernadette Publications, Inc., 1995.; De Leon, Hector S. Textbook on Philippine Constitution. Quezon City: Rex Book Store, Inc., 2002.; Vivar, Teofista L. et al. Pilipinas: Heograpiya, Kasaysayan at Pamahalaan. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc., 1998.; Zaide, Sonia M. Kasaysayan at Pamahalaan ng Pilipinas. Quezon City: All Nations Publishing, Inc., 1994. Photo credits: www.divisoria.stores.yahoo.net; www.en.wikipedia; www.negroschronicle.com

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s