Marcelo Adonay: Prinsepe ng Musikang Pangsimbahan

Isa sa mga impluwensyang Español sa kulturang Pilipino ang musikang pangsimbahan. Bagamat nasa wikang Latin ang mga awit at musikang ito, hindi naging hadlang sa mga Pilipinong musikero na maging magaling at makilala sa larangang ito. Isa na rito si Marcelo Quiteria Adonay, ang tinaguriang ‚Prinsipe ng Musikang Pangsimbahan.’

Buhay at Musika. Si Adonay (Pebrero 16, 1848 – Pebrero 8, 1928) ay tubong Pakil, Laguna. Dahil sa matinding kahirapan ng kanyang pamilya, ipinagkatiwala siya ng kanyang mga magulang sa mga paring Agustino ng Simbahan ng San Agustin sa Intramuros, Maynila. Sa kanyang paninirahan kasama ng mga pari, natuklasan niya ang hilig at kahusayan niya sa larangan ng musika. Pinag-aralan niya ang paggamit ng iba’t ibang instrumento. Naging bihasa siya sa pagtugtog ng organ at piano, violin, pluta, clarinet, contrabass at trumpeta. Naging mahusay rin siyang tenor, kompositor, konduktor at guro ng musika. Naging maestro de capella siya sa Simbahan ng San Agustin. Sa simbahang ding ito niya itinatag ang pinakasikat at pinakamahusay na orkestra noong panahong iyon, ang Orquestra Rizal. Naging bahagi siya ng 25-kasaping orkestrang ito hanggang 1914. Nagturo din siya ng musika sa San Sebastian, Santa Rosa, Santa Catalina at La Compania de Jesus at sa ilang prominenteng pamilya tulad ni Francisco Roxas. Bilang isang konduktor, nakilala nang husto si Adonay noong 1887 sa kanyang pagtatanghal ng Missa Solemnis in D major na orihinal na likha ni Beethoven.

Noong 1885, si Adonay ay naging isa sa mga tagapagtaguyod ng Union Artistica Musical, ang kauna-unahang samahan ng mga musikero sa Pilipinas. Naging guro din siya ng solfeggio, harmonya at komposisyon sa Centro Bellas Artes noong 1902. Naging kasapi rin siya ng Asociacion Musical de Filipinas noong 1912.

Mga Obra. Ang sumusunod ay mga musikang pangsimbahan na gawa o obra ni Marcelo Adonay:

  • Benedictus (1885), ikalawang tenor na ginamitan ng trumpeta at harpa obligato
  • El Canto de Zacarias
  • Libera Me Domine (Palayain Mo Ko, O Diyos), pang-isahang boses na ginamitan ng contrabass
  • Gozos a Nuestra Señora de Consolacion (Alay sa Birhen ng Consolacion, 1890), boses at orkestra
  • O Vita Jesu (O Hesus, Buhay, 1891), boses at orkestr
  • A San Pascual Bailon en Obando (Para kay San Pascual Bailon ng Obando, 1894)
  • Responsarium (1894), kadalasang inaawit tuwing Pasko
  • Hossana (1899)
  • Grand Mass (1903), ginamitan ng orkestra
  • Te Deum (1903), ginamitan ng orkestra
  • Pequeña Misa Solemne (Maiksing Tahimik na Misa, 1904), batay sa Mass on a Gregorian Chant ni Dumont
  • A Señora de Antipolo (Para kay Birhen ng Antipolo, 1906)
  • A San Juan Bautista (Para kay San Juan Bautista, 1916)
  • La Procesion de Turumba en Pakil (Ang Prusisyon ng Turumba sa Pakil)

Lumikha rin siya ng mga musikang sekular tulad ng Rizal Glorified (1911), ang huli sa pitong bahaging symphony orkestra na nilikha ng pitong kompositor tungkol sa buhay ni Rizal; at ang Tocuta en Do Mayor (1921), na isinulat niya sa kahilingan ni Col. Walter Loving.

Bagamat karamihan ng mga komposisyon ni Adonay ay hindi na ginagamit sa kasalukuyan, mayroon pa ring ilan ang maririnig sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Isa na rito ang Procesion de Turumba na tinutugtog tuwing pista ng Birhen ng Turumba. Sa kasalukuyan, isang bantayog ni Adonay ang matatagpuan sa plaza ng Simbahan ng San Pedro de Alcantara bilang pagkilala sa natatanging anak ng Pakil, Laguna.

*Inilathala sa Student’s Digest Gr.5, Vol. 27, No.3, SY 2006-2007                           ni Azur M. Peraz

Sanggunian: CCP Encyclopedia of Art: Music. Manila: Cultural Center of the Philippines.; www.marsantos.tripod.com/music.html; www.sunstar.com.ph/static/dev/2002/12/13/feat/pinoys,are,also,good,composer,of,church,songs.html; www.lakbay.net/bahandi/phil.html; www.mb.com.ph/issues/2005/01/07; www.philmusic.registry.com; www.elgu2.ncc.gov.ph/pakil Photo credits: www.uppress.com.ph

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s