Transportasyong Pilipino: Kontribusyon ng mga Amerikano

Araw-araw tayong sumasakay ng dyipni, taxi, bus, LRT at tren. Minsan sumasakay din tayo ng barko o eroplano kung patungo sa malalayong lugar. Pero naitanong mo na ba sa iyong sarili kung paano nagsimula ang sistema ng transportasyon sa ating bansa?  Malaki ba ang pinagbago ng transportasyong Pilipino sa pagdaan ng panahon? Masasabi nating nagsimulang umunlad ang transportasyong Pilipino sa pagdating ng mga Amerikano. Bagamat may simple nang paraan ng paglalakbay noong panahon ng mga Espanyol, lalo pa itong dumami, naging mabilis at sopistikado sa panahon ng mga Amerikano.

Mga Sasakyang Panlupa. Sa pagdating ng mga Amerikano, maraming mga daan at tulay ang nilikha upang mapag-ugnay ang mga bayan, lalawigan at pulo ng bansa. Binago at ginawang mabilis ng mga Amerikano ang paraan ng paglalakbay ng mga Pilipino kumpara sa panahon ng mga Espanyol. Pinalaganap ang paggamit ng mga tren, tranvia, kotse at bus.

Noong 1917, ang Manila-Dagupan Railway na pagmamay-ari ng mga Ingles ay binili ng pamahalaang Amerikano. Itinatag ito bilang Manila Railroad Co. na kilala ngayon bilang Philippine National Railways (PNR).  Pinahaba at pinalawak nito ang mga riles ng tren hanggang La Union sa hilaga at Albay sa timog. Nagkaroon din ng mga linya ng tren sa Cebu at Panay. Sa kabuuan, tinatayang aabot sa 1,395 kilometrong riles ng tren ang naitayo ng mga Amerikano sa ilalim ng kanilang pamamahala. Ang pagtatayo ng mga linya ng tren ang nagpaunlad sa mga pook na dinaraanan nito. Ito rin ang naging dahilan ng pagdami ng mga lungsod. Gayundin ang pag-usbong ng Maynila bilang sentrong komersyal ng bansa.

Ipinakilala naman ng Manila Electric and Railroad Co. o MERALCO ang de-kuryenteng tranvia. Ito ay kaiba sa tranvia na hila-hila ng mga kabayo noong panahon ng mga Espanyol. Aabot sa 24 na katao ang maisasakay ng isang tranvia. Masasabing ito ang unang mass transport system sa Kamaynilaan dahil halos lahat ng bahagi ng lungsod ang siniserbisyuhan nito.

Dumating naman ang unang auto o kotse sa Maynila noong 1903. Isa itong benzine-fueled French-made Brazier. Ang kotse ang nangungunang transportasyon noong panahong iyon partikular na sa mga maykaya sa buhay.

Noong 1924, ipinakilala naman ng MERALCO sa Maynila ang mga Atlas-General Electric trackless trolley bus. Ito ang nagpasimula ng bus transport system sa bansa.

Lumaganap naman ang mga autocalesa o mga de-metrong taxi noong mga 1930s. Maaari itong magsakay ng apat hanggang anim na pasahero. Bagamat mahal ang pasahe rito, ito ang naging pinakamainam at pinakamabilis na pampublikong transportasyon noong panahong iyon. Lumaganap din ang paggamit ng mga trak at motorsiklo sa paglalakbay. Ang dyip pangmilitar naman ang sinasabing pinagmulan ng pampasaherong dyipni na lumaganap pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Mga Sasakyang Pantubig. Umunlad din ang transportasyong pandagat noong panahon ng mga Amerikano. Ang mga mababagal na bangka, kaskos at batel na ginagamit noong panahon ng mga Espanyol ay napalitan ng mga mabibilis na bangkang de-motor, lantsa, steam tugboats at mga inter-island steamer. Pinasimulan din sa panahong ito ang paglalayag ng mga international steamships sa iba’t ibang panig ng mundo. Dahil dito, dumami ang pagbukas ng mga daungan o seaports sa bansa. Isa na rito ang Port of Manila na sinasabing pinakamalaking daungan sa Asya noong panahong iyon.

Mga Sasakyang Panghimpapawid. Ipinakilala naman sa mga Pilipino sa unang pagkakataon ang eroplano noong 1911. Ito ay pinalipad ni ‘Lucky’ Baldwin bilang bahagi ng isang palatuntunan sa Manila Carnival City. Noong 1930, sinimulan naman ng Philippine Aerial Taxi Co. o PATCO ang unang komersyal na eroplano sa bansa. Dito unang naranasan ng mga Pilipino na maglakbay sa pamamagitan ng himpapawid sa iba’t ibang bahagi ng ating kapuluan. Sinundan naman ito ng pagtatag ng Iloilo-Negros Air Express Co. o INAEC noong 1933. Sinasabing ang dalawang kompanyang ito ang naging Philippine Airlines matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang paglapag naman ng China Clipper ng Pan-American Airways sa Maynila noong Nobyembre 29, 1935 ang itinuturing na unang trans-Pacific air travel mula California, USA hanggang Pilipinas. Ito rin ang nagpasimula sa internasyunal na paglalakbay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga eroplano.

Sa paglipas ng panahon, masasabi nating unti-unting nagbabago at umuunlad ang sistema ng transportasyon sa bansa. Mula sa isang simple,ito ay naging moderno at sophistikado. Bagamat lagi itong pabagu-bago, dapat nating tandaan na ang pagkakaroon ng isang malawak at mabilis na sistema ng transportasyon ay isa sa mga salik na magbibigay-daan sa minimithing pag-unlad ng isang bansa.

*Inilathala sa Student’s Digest Gr.5, V26, No. 4, SY 2005-2006 ni Azur M. Peraz

Sanggunian: Agoncillo, Teodoro A. History of the Filipino People. Quezon City: GAROTECH Publishing Co., 1990.; Corpuz, Arturo G. The Colonial Iron Horse: Railroads and Regional Development in the Philippines 1875 – 1935. Quezon City: University of the Philippines Press, Inc. 1999.; Guerrero, Milagros C. (ed.) Kasaysayan: The Story of the Filipino People vol. 6. Manila: Asia Publishing Co., Ltd. 1998.; Zaide, Gregorio and Sonia Zaide. The Philippines: a Unique Nation. Quezon City: All Nations Publishing House, Inc., 1995. Photo credits: www.clippermonsoon.wordpress.com; www.philippinehistory.org; www.earlyamericanautomobiles.com

About these ads

2 thoughts on “Transportasyong Pilipino: Kontribusyon ng mga Amerikano

  1. amhhhh……. tanong ko lang po or may i ask any question about this china clipper po ba ang kompanya ng eroplano na ipinalipad mula california-cavite? please reply naman po kasi kailangan ko po ito

    • hi rose, sorry for the very late reply….as you can read from the article, the company is Pan-American Airways….the China Clipper (NC14716) is the model of the plane that they use for this trans-Pacific flight…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s